Kasado na ang nationwide strike ng major transport groups sa Lunes, September 30 bilang pagpapakita ng mariing pagtutol sa implementasyon ng public utility vehicle (PUV) modernization program.

Sa panayam ng bombo radyo Dagupan kay George San Mateo, president emeritus ng Transport group na PISTON, sa unang pagkakataon ay magsasasama ang  ibat ibang  asosasyon para sa  nasabing protesta laban sa nasabing PUV modernization program .

Hindi modernization kundi isa umanong malaking negosyo ang modernization program dahil malaki ang kikitaing komisyon sa bentahan ng mga napakamahal na unit ng mga sasakyan .

--Ads--

Binatikos ng transport leader ang panlilinlang ng gobyerno na umano’y pagpapautang sa pamamagitan ng kooperatiba dahil mababaon lamang anya sa utang ang maliliit na operator ng jeep sakaling ipilit ang pagbili sa modern jeepney na nagkakahalaga ng P2.1 milyon kada isa. 

Binatikos  din ng grupo ang tila pananakot na ginagawa sa mga malilit  na operator na tatanggalan ng prangkisa kapag hindi tumalima sa kautusan.

Inaasahang lalahok sa strike ang ACTO, Pinagkaisahang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) at Stop and Go Coalition at marami pang asosasyon.