Itinuturing ngayong case solve na ng PNP Pangasinan ang kaso ng brutal na pagpaslang sa isang miyembro ng LGBTQIA+ community bayan ng Bolinao, dito sa lalawigan ng Pangasinan, kahapon Setiembre 17.


Ito’y matapos na matukoy at mahuli na ng Bolinao PNP ang mga suspek na kinilalang sina Isagani Dollaga at Michael Orpano, kapwa nasa hustong gulang at residente ng Brgy. Patar, sa nasabing lugar.


Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Dagupan, inihahanda na ngayon ang kasong murder laban sa dalawang suspek sa Provincial Prosecutors Office matapos ang pagpaslang sa biktimang si Jestoni “Jessa” Remiendo, waiter sa isang resort sa Brgy Patar kung saan kung saan din ito natagpuang may gilit sa leeg at sugat sa mata.

--Ads--


Kasunod nito ay nagpalabas naman ng pahayag si P/Col. Redrico Maranan, Provincial Director ng Pangasinan Police Provincial Office, na tinitiyak nila ang kaligtasan ng lahat at asahan ang mas pinaigting pang seguridad sa probinsya.


Una rito, mabilis na nagpahayag ng pakondena ang Commission on Human Rights (CHR) hinggil sa krimen.


Sa ipinalabas na pahayag ni CHR spokesperson, Atty Jacqueline Ann de Guia, hinikayat nito ang kapulisan na matiyak na maisisilbi ang hustisya sa mga naiwang kaanak ng biktima. Aniya walang sinuman ang may karapatan na gawin ang ganoong uri ng karumal dumal na krimen.