Hindi pa rin naaapektuhan ng african swine fever ang mga alagang baboy dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Sa panayam ng bombo radyo Dagupan kay Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) chairman Rosendo So, sinabi nito na wala pang naitatalang lugar sa lalawigan na apektado ng nasabing uri ng sakit.
Sa ngayon aniya ay pinaigting ang checkpoint sa lahat ng entry sa lalawigan upang hindi makapasok ang mga baboy at mga frozen meat na mayroong African Swine Fever (ASF).
Paliwanag ni So na hindi man nakakahawa sa tao ang karne na mayroong ASF, maari namang mahawa ng virus ang mga alagang baboy.
Matatandaan na naglabas ng Executive order 92 series 2019 si Pangasinan governor Amado “Pogi” Espino III na nagbabawal sa pagpasok ng mga swine products dito sa lalawigan.
Ito ay matapos kumpirmahin ng Department of Agriculture na tinamaan ng African Swine Fever ang mga namatay na alagang baboy sa ilang bahagi ng bansa partikular sa Rizal at Bulacan.