Inaalam ngayon ng PNP Region I kung tampered ang chasis at engine number ng mga narekober na sasakyan na nagsilbing getaway vehicle ng mga suspek sa pananambang kay dating Pangasinan Governor Amado Espino Jr na ikinasawi ng guwardiya at driver nito.

Ayon kay Police Lt. Col. Mary Crystal Peralta,tagapagsalita ng PNP Region I, kasabay ng isinagawang press conference na ginanap sa lalawigan ng La Union napag-alaman nila na ang mga narekober na sasakyan ay nakarehistro sa Maynila.

Sinabi nito na ang mga narekober na sasakyan ay kinabibilangan ng isang Hyundai Elantra na kulay pula na may plakang MR6318 na natagpuan sa Barangay Pasima, Taluy, Malasiqui, Pangasinan at isang Ford Everest na metallic blue ang kulay at mayroong plate number na T0L613.

--Ads--

Ayon kay Peralta ang Hyundai Elantra umano ay nakarehistro kay Marivic Villanueva samantalang ang Ford Everest naman ay nakapangalan sa isang John Paul Regalado.

Dagdag pa nito na naiproseso na ng Scene of the Crime Operatives ang mga narekober na sasakyan kung saan mayroong mga nakuha sa loob ng mga ito na mga matataas na kalibre ng baril at granada.

Aniya, sa loob umano ng Elantra, nakuha ang dalawang m16 baby armalite, dalawang m16 standard armalite, limang short magazine ng m16, apat na short magazine, long magazine ng m16 at 34 live ammunitions ng m16, samantalang nakakuha rin ang mga otoridad sa loob ng Ford Everest ng isang fragmentation hand grenade, dalawang m14 rifle, apat na magazine ng m14, m16 rifle, baby armalite at tatlong magazine assembly ng m16 rifle.