Dalawang pinalayang preso sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) ng Bureau of Corrections ang boluntaryong sumuko sa Bayambang Police Station dito sa lalawigan ng Pangasinan.

Itoy matapos na bawiin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ginawang pagpapalaya ng Bureau of Corrections (Bucor) sa mahigit 1,900 high profile inmates alinsunod sa GCTA, makaraang lumutang at maging kontrobersiya ang nabulilyasong maagang paglaya sana ng convicted rapist at murderer na si dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Lt. Col Marcelino Desamito , hepe ng Bayambang PNP ang dalawa ay nakulong noong October 1988 sa kasong robbery with rape and homiscide at nagsilbi ng 30 taon sa New Bilibid Prison .

--Ads--

Napalaya ang dalawa sa bisa ng GCTA law noong October 15, 2018 .

Sa ngayon ay nananatili aniya ang dalawa sa kanilang kustudiya at hinihintay na lamang ang direktiba kung ano ang gagawin sa mga ito.

Tiniyak naman ni Desamito na habang nasa pangangalaga nila ang dalawa ay titiyakin ang kaligtasan ng mga ito.

Nilinaw din ni Desamito na maari pa ring bisitahin ng mga kaanak ang mga ito anumang oras.