DAGUPAN CITY— Apat na truck ng baboy ang nasabat ng kapulisan sa isinagawang checkpoint sa bayan ng Pozzorubio Pangasinan na pawang nanggaling sa Tarlac.

Ito’y sa kabila ng pagbabawal ng pagpasok ng baboy dito sa lalawigan ng Pangasinan mula sa ibang lugar.

Ayon sa pulisya, nasa kabuoang 172 na buhay na baboy ang kanilang nasabat na dadalhin sa iba’t-ibang destinasyon dito sa Norte.

--Ads--

Dinala ang mga baboy sa quarantine station para inspeksyunin ngunit pinalabas agad dahil sa umiiral na temporary ban.

Ayon sa otoridad, kumpleto man o kulang ang dokumento ay hindi pa rin pinapayagang makapasok dito sa probinsiya ang mga truck na kargado ng mga baboy.

Sa paliwanag ng Provincial Veterinary Office, sapat ang suplay ng baboy sa Pangasinan at bukas ito sa pagtanggap ng mga produktong mula sa ibang bansa na hindi tinamaan o apektado ng African Swine Flu o ASF.