DAGUPAN CITY– Siyam na mga kabahayan at isang sasakyan ang nasira matapos na mabagsakan ng punong kahoy dahil sa nararanasang pag-ulan dulot ng bagyong Jenny sa lalawigan ng Pampanga.

Naganap ito partikular na sa Brgy San Carlos sa bayan ng San Luis.

Ilang pinsala din ang naitala sa ilang kalsada at dike sa nabanggit na lugar na agad tinugunan ng mga kinauukulang ahensiya.

--Ads--

Patuloy naman ang isinasagawang clearing operation at inspeksyon sa mga naapektuhang lugar.

Nadagdagan na rin ang mga daang hindi madaanan sa nabanggit na lalawigan na kinabibilangan ng Arnedo Dike sa San Luis na hindi maaring daanan ng mga malalaking uri ng sasakyan.

Hindi rin maaring madaanan ng heavy vehicles ang Mancatian Bridge sa bayan ng Porac habang nananatiling mga light vehicles lamang ang maaring makadaan sa Sto Nino Road at Kalsadang Bayu sa bayan ng Masantol.

Habang nakakaranas pa rin ng pagbaha ang nasa 24 na barangay mula sa mga bayan ng Masantol , Apalit at Macabebe.