DAGUPAN CITY — Hirap parin ang Dagupan City PNP na matukoy ang nasa likod ng pamamaril sa isang dating barangay kagawad sa barangay Bonuan Binloc dito sa lungsod ng Dagupan lalawigan ng Pangasinan.
Paliwanag ni Police Lt/Col. Abhubakar Mangelen Jr., Chief of Police ng Dagupan City Police Station sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, nahihirapan silang matukoy ang motibo lalo at sa isinagawa nilang background check sa biktima na si dating barangay kagawad Herman Torio, ay puro kabaitan nito ang nababangit ng mga nakakakilala sa kaniya bukod sa marami din itong tagasuporta.
Sa ngayon aniya ay patuloy parin ang malalimang imbestigasyon nila sa krimen upang maresolba ang pamamaril sa kaniya.
Bagamat, ayon kay Mangelen, umaasa silang magiging malaking tulong sa paglutas sa krimen ang mga nakuhang footage ng mga closed circuit television (CCTV) cameras, malapit sa pinangyarihan ng insidente.
Sa ngayon ay nasa maayos ng kondisyon ang biktima na nagtamo ng mga tama ng bala ng baril sa kaniyang likuran.
Una rito, nangyari ang pamamaril sa biktima dakong ala 7:45 ng umaga kahapon sa tapat ng Aqua Water Station sa Barangay Bonuan Gueset matapos nitong maihatid ang kaniyang anak sa bayan ng Mangaldan.