DAGUPAN CITY– Humihingi ngayong ng tulong sa gobyerno ang 45 anyos na OFW mula sa bayan ng Santa Barbara, Pangasinan na umanoy pinagmalupitan ng amo sa Saudi Arabia.
Ayon sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Dagupan, taong 2016 nang magpunta sa Saudi Arabia si Racquel Reyes tubong Santa Barbara, bilang Overseas Filipino worker.
Dalawang taon ang kanyang kontrata pero pinalawig hanggang tatlong taon at anim na buwan. Nito lamang Agosto 3 nang nakauwi sa bansa ang nasabing OFW
Inirereklamo nito ang atrasadong pasahod sa kanya, maging ang isang beses na pagpapakain dito sa loob ng isang araw.
Mula alas sais ng umaga hanggang alas tres ng madaling araw ang kanyang trabaho.
Dahil sa atrasadong sahod ay inaabot umano ng apat na buwan bago siya makapagpadala ng pera sa kanyang pamilya.
Nabatid na bago nakauwi si Reyes ay hindi pa naibibigay ang kanyang sahod sa loob ng limang buwan na katumbas ng isang P100,000.