‘huwag tangkilikin ang mga albularyo’.

Ito ang naging payo ng Pangasinan Provincial Health Office sa publiko lalo na sa mga residenteng nakararanas ng iba’t ibang sintomas ng sakit tulad na lamang ng ubo at lagnat.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dra Anna Marie De Guzman, provincial health officer dito sa lalawigan, hindi umano ipinapayo ng kanilang tanggapan ang pagsangguni sa mga albularyo o manggagamot lalo na ng mga indibidwal na may mga karamdaman.

--Ads--

Ayon kay Dra De Guzman, sa mga espesyalista o mga doktor dapat magtungo at magpacheck up ang mga indibidwal na nakakaranas ng anumang uri ng sakit.

Paliwanag pa niya, ang mga taong nilalagnat, sinisipon at inuubo ay otomatikong nagtataglay na ng virus sa kanilang katawan kung kaya’t dapat itong masuri ng mga doktor upang agad ding malapatan ng lunas.

SamantaLa, bukod sa pagtangkilik sa mgha albularyo, ipinapaiwas din nito ang publiko sa self-medication o ang paggamot sa sarili dahil posible lamang umanong mahantong sa malalang sitwasyon ang lagay ng kalusugan lalo na kung maling gamot ang nainom o naipasok sa katawan.

Matatandaan na nasawi ang 12 anyos na babae mula sa bayan ng Bayambang dito sa Pangasinan matapos umanong tamaan ng sakit na Japanese Encephalitis.

Dinala ito sa isang albularyo dahil sa pag aakalang nakasakit ng nuno sa punso ang bata. Ngunit sa halip naman na gumaling, ay mas lumala pa ang kondisyon ng biktima na kaunan din ay kanyang ikinasawi.