DAGUPAN CITY – Patay ang 14 anyos na estudyante mula sa bayan ng Bayambang, Pangasinan matapos tamaan ng hinihinalang Japanese Encephalitis.

Ayon sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Dagupan, taas -babang lagnat, pananakit ng ulo at kasu-kasuan ang idinaing ng 14 anyos na si Jazmin Prestoza mula sa barangay San Vicente , Bayambang.

Dahil sa pangambang dengue ay dinala ang bata sa klinika pero nagnegatibo sa dengue test.

--Ads--

Sa kabila ng pag-inom ng gamot, ay walang naging pagbabago sa kondisyon ng bata kaya dinala siya ng kanyang mga magulang sa isang albularyo.

Napawi umano ang pangamba nila nang kumpirmahin ng albularyo na nakasakit ng nuno sa punso ang bata.

Ginamot ito ng albularyo pero mas lumala ang kalagayan ng dalagita kaya dinala na ito sa ospital hanggang sa natuklasan ang tunay niyang sakit.

Matapos ang isang linggo sa pagamutan ay binawian ng buhay ang biktima.

Ilan sa sintomas ng japanese encephalitis ay ang lagnat, panlalamig, madaling mapagod, pananakit ng kasu-kasukasuan, pagsusuka at pagkahilo.