Hindi nakaapekto sa pagdagsa ng mga deboto na nagtungo sa Minor Basilica of Our Lady of Manaoag, ngayong araw ng Linggo, ang pagkalat ng kontrobersyal na alert memo ng militar sa social media.
Ito ang pagtayang inihayag ni Police Major Reinwick Alamay, Chief of Police ng Manaoag PNP, sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, kasunod ng ulat hinggil sa banta ng pag-atake ng mga dayuhang terorista sa bansa partikular na sa mga simbahan sa iba’t-ibang bahagi ng Luzon.
Paliwanag ni Alamay, kung ihahambing sa mga nakalipas na panahon, walang nangyaring pagbabago sa bilang ngayong araw ng pagsisimba.
Bagamat, kinumpirma ng hepe na noong mga nakalipas na araw kung kailan unang pumutok ang balita, mapapansin ang pagkonti ng pagdalaw ng dayo sa kanilang bayan.
Una rito, kumalat sa social media ang isang alert memorandum kung saan nakasaad na may banta ng pag-atake ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa mga lungsod ng Laoag, Vigan at Tuguegarao habang dito sa lalawigan ng Pangasinan ay sa bayan ng Manaoag kung saan matatagpuan ang Minor Basilica of Our Lady of Manaoag.