Mas tumindi pa ang nagaganap na malawakang rally o protesta sa bansang Hongkong.

Ito ang kinompirma ni Bombo International Correspondent Mar De Guzman, tubong San Carlos Pangasinan ngunit kasalukuyan ng naninirahan ngayon sa nabanggit na bansa.

Ayon kay De Guzman, nagpapatuloy pa rin hanggang sa ngayon ang kilos protesta ng mga mamamayan doon at sa katunayan aniya, mas tumindi at naging bayolente pa ang mga ito kung ikukumpara noong mga nakaraang araw.

--Ads--

Patuloy pa rin umano sila sa paglaban ng kanilang karapatan at mariin pa rin nilang tinututulan ang Extradition Bill na may layuning pahintulutan ang bansang China na manghimasok sa mga batas ng Hongkong.

Kabilang pa sa mga mahigpit na ipinapanawagan ng mga protesters na magkaroon muli ng election sa nabanggit na bansa lalo na’t si Hong Kong Chief Executive Carrie Lam ay hindi umano totoong inihalal ng mga botante sa lugar.

Sa kabila naman ng nasabing malawakang kilos protesta, inihayag ni De Guzman na tuloy pa rin ang trabaho nilang mga OFW sa lugar. Lagi din aniyang nagpapaala sa mga manggagawang Pilipino ang Konsulado ng Pilipinas na huwag ng makilahok pa sa kaganapan. Mahigpit rin umanong ipinagbabawal ang pagsusuot ng puti at itim na damit lalo na’t ito ang sumisimbolo sa mga protesters.