Nagpaalala sa publiko si Brigadier general Henry Robinson, ang Commanding Officer ng 702nd Brigade ng Camp Tito Abat sa Manaoag na huwag basta maniniwala sa mga unverified information o ang mga hindi kompirmadong impormasyon na kumakalat online.
Kasunod na rin ito ng insidente kung saan mayroong isang memo na naglalaman ng impormasyon na target ng ISIS ang pagpapasabog sa mga Crusader Churches sa Northern Luzon ang lumutang sa social media.
Kabilang na binanggit dito ang bayan ng Manaoag Pangasinan kung saan nandito ang Minor Basilica of Our Lady of Manaoag.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Robinson, inihayag nito na hindi dapat nagpapaniwala agad ang publiko sa mga ganitong uri ng balita. Aniya, dapat munang alamin at kompirmahin kung may katotohanan nga ba ito o kung gawa gawa lamang.
Huwag rin umanong mag panic bagkus ay maging kalmado lamang, dahil sinisiguro naman ng kanilang hanay na naibibigay nila ang mahigpit na seguridad para sa mga kababayan.
Kaugnay nito, ibinilin at pinayuhan pa rin ni Robinson ang publiko na maging mapatmatyag at maging alerto sa lahat ng oras.