Beniberipika na rin ng mga otoridad at kinauukulan dito sa Pangasinan ang kumakalat na intelligence report na may mga nakapasok na dayuhang terorista na planong umatake sa mga simbahan sa Northern Luzon kabilang na ang sikat at pamosong Our Lady of Manoag Church sa bayan ng Manaoag.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Brigadier general Henry Robinson, ang Commanding Officer ng 702nd Brigade ng Camp Tito Abat sa Manaoag, sinabi nito na nakarating at natanggap na rin nila ang naturang ulat.
Aniya, kasalukuyan na nila itong tinututukan at nagsasagawa na rin sila ng masusing beripikasyon patungkol sa nasabing usapin. Inamin naman ni Robinson na posibleng may konektado sa binabantayang banta ng terrorismo sa Mindanao ang kumalat na intel report dito sa Rehiyon Uno.
Una ng kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines ang pagi-isyu ng “alert memo” kaugnay sa posibleng terror attack ngunit bineberipika pa ang posibilidad na maganap ito sa mga lugar na sakop ng Northern Luzon Command (Nolcom). Sa memo ay inutos sa lahat ng intelligence units ng Nolcom na paigtingin ang intelligence monitoring sa kanilang area of responsibility sa gitna ng mga ulat kaugnay sa mga establishimyento at simbahan na target umano ng pag-attake.
Makikita rin sa memo na may petsa ito na August 2, at isinulat ni Col. Glenn Celebrado, assistant chief for unified command staff for intelligence ng NolCom
Ayon sa memo, “Crusader Cities” ang termino na ginagamit ng ISIS para tukuyin ang target nitong mga lugar para sa tinatawag nito bilang “Bandar Crusade” o ang giyera sa pagitan ng mga Muslim at Kristyano.
“Crusader Churches” naman ang kanilang generic term para sa lahat ng mga makasaysayang Simbahang Katolika.Kasama sa mga lugar na tinukoy sa memo ang Laoag City; Vigan City; Manaoag, Pangasinan; at Tuguegarao City.