Aminado ang ilang mga residente sa Amerika na nahahaluan na ng pamumulitika ang dalawang naganap na magkasunod na mass shooting sa nabanggit na bansa.

Una rito, yumanig sa Estados Unidos ang dalawang magkahiwalay na insidente ng mass shooting sa loob lamang ng 13 oras kung saan hindi bababa sa 29 ang nasawi at 53 ang nasugatan.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Bombo International Correspondent Rufino Gonzales na nasa Houston, Texas, ang mga lugar kung saan may serye ng patayan ay lungga umano ng mga democrats.

--Ads--

Dahil dito, hindi umano aniya maiwasang samantalahin ng ilang mga pulitiko sa Amerika na nangangampanya, na siraan ang kanilang kalaban. Aniya, ilan sa mga ito ay nagpapahayag ng kanilang plataporma na may kaugnayan sa dalawang naganap na barilan.

Ang mga ginagawa umanong hakbang ay malinaw na hindi pagbibigay ng simpatya ngunit isang pamumulitika lalo na’t nalalapit na ang eleksyon sa Amerika.

Matatandaan na malagim ang nangyaring masaker sa isang grocery store sa El Paso, Texas noong Sabado kung saan 20 katao ang nasawi. Makalipas naman ang 13 oras ay naganap naman ang panibagong serye ng pamamaril sa Dayton, Ohio kung saan nakapagtala naman ng 9 na kataong patay.