Nakatakdang gumawa ng rekomendasyon sa mga susunod na araw ang tanggapan ng Department of Health (DOH) upang hilingin ang muling paggamit sa Dengvaxia vaccine.
Kasunod na rin ito ng naging pahayag kamakailan ni dating Health secretary at ngayo’y Iloilo Rep. Janette Garin na naiwasan umano sana ang dengue outbreak dito sa bansa kung itinuloy lamang ang pagtuturok ng kontrobersiyal na gamot na Dengvaxia.
Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Dagupan kay Health Secretary Francisco T. Duque III, sinabi nito na handa ang kanilang tanggapan upang kumbinsihin ang mga experts groups na muling ibalik ang naturang bakuna.
Bagama’t mahirap na hakbang aniya ito, lalo na’t permanenteng na-revoke ang certification of product registration ng naturang gamot, ay susubukan pa rin umano ng DOH na maibalik ito sa lalong madaling panahon.
Kaugnay naman nito, patuloy umano ang pagsasagawa ng Department of Health (DOH) ng maigting na kampanya upang ibalik ang tiwala ng publiko sa nabanggit na bakuna.
Matatandaan kasi na nagresulta sa takot ang paggamit ng Dengvaxia noong 2018 dahil sa pagkasawi ng mga batang nabakunahan nito. with report from Bombo Badz Agtalao