DAGUPAN CITY– Mariing pinabulaanan ni National Security Adviser Gen. Hermogenes Esperon Jr., na mas maraming lumad ang maaaring sumama ngayon sa mga militanteng grupo matapos na ipasara ng Gobierno ang nasa mahigit 50 paaralan umano ng mga Lumad sa bahagi ng Mindanao.

Ginawa ng opisyal ang pahayag sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, dahil sa patuloy na pagbatikos sa pagpapasara ng nasa 55 Salugpongan Ta’ Tanu Igkanogon Community Learning Center, Inc. sa Davao region, ng ilang militanteng grupo lalo na kay Education Secretary Leonor Briones.

Paliwanag ni Esperon, mas mapipigilan pa ng hakbang na ito ang paghikayat ng mga communist coalition na Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF), sa mga lumad na sumapi sa kanila dahil wala ng mga pasilidad na magsisilbing pugad ng pagtuturo nila ng kanilang idolohiya.

--Ads--

Sa ngayon kasi aniya ay ang mga lumad ang target ng Komunistang grupo na maisama sa kanilang hanay na hinihakayat nila sa usapan o hindi naman kaya ay sa pamamagitan ng dahas na pinatototohanan ngayon ng ilang mga lumad.