Hindi naitago ng grupong Action and Solidarity for the Empowerment of Teachers (ASSERT) ang kanilang pagkadismaya kay Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang kanyang ikaapat na State of the Nations Address (SONA) noong Lunes.

Ito’y kahit pa hiniling ni Duterte sa mga mambabatas na gawing prayoridad ngayong 18th Congress ang pagpasa ng panibagong Salary Standardization Law.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay ASSERT secretary general Fidel Fababier sinabi nito na bagama’t may magna carta o ang karampatang benepisyo at proteksyon kaugnay sa kanilang trabaho, hindi pa rin umano maitatanggi na bigo ang pamahalaan na ipatupad ang probisyon hinggil sa sahod.

--Ads--

Ayon kay Fababier, matagal na nilang hinihingi sa gobyerno ang umento at taas sahod ngunit hanggang sa ngayon ay wala pa rin ito. Giit pa niya, tila pinag aantay na lamang sila sa wala dahil taon na aniya ang lumipas ay hindi pa rin naiimplementa ang pangakong dagdag sahod.

Nanindigan naman si Fababier na karapat-dapat lamang na itaas ang kanilang sahod dahil napakalaking papel ang kanilang ginagampanan sa lipunan lalo nat hinuhobog aniya nila ang kamalayan ng mga kabataan sa pamamagitan ng isang kalidad na edukasyon.