Muling pinalagan ng Simbahang Katolika ang kagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik ang parusang kamatayan o Death Penalty.
Una rito, sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address o SONA, hiniling ng punong ehekutibo ang pagbabalik ng parusang bitay dahil umano sa mga nagaganap na karumaldumal na krimen.
Sa ekslusibo namang panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Fr. Oscar Roque ng St. Thomas Aquinas Parish Church sa bayan ng Mangaldan, sinabi nito na hindi maganda ang ideya ni Duterte lalo na’t hindi naman umano makatutulong ang pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa.
Aniya, patuloy na papalagan ng Simbahang Katolika ang planong pagbabalik ng capital punishment dahil hindi naman ito ang solusyon upang mabawasan ang karahasan at krimen sa lipunan.
Pagkwekwestyon pa ni Fr. Oscar Roque, bakit aniya isusulong ang death penalty gayong mas marami namang batas ang dapat pagtuunan pa ng pansin ng gobyerno. Isang halimbawa na lamang umano rito ay ang ‘justice system’ ng bansa na kadalasang nasasangkot sa mga isyu dahil sa pagiging usad pagong nito.
Giit niya, mahalagang gunitain ang tuluyang pagbasura sa parusang kamatayan na isang makataong tugon sa pagsasaayos ng lipunan.
Sa kabila nito, nanindigan si Fr. Roque na magpapatuloy pa rin ang pagtuturo nila sa kahalagahan ng buhay.