Kinumpirma ng pamunuan ng PNP Pangasinan, na may natanggap na silang request ng ilang mayor upang mapalitan ang hepe sa kanilang lugar.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, bago magsimula ang isinagawang kauna-unahang 4th District Conference sa Dagupan City Museum, inihayag ni Pangasinan Police Provincial Office (PPPO) Provincial Director Police Col. Redrico Maranan, mayroon na silang natanggap na request bagamat hindi na nito tinukoy pa kung saan nagmula ang nasabing mga request.
Subalit, wala pa naman aniya itong natatanggap na ganitong uri ng request mula sa lokal na pamahalaan ng lungsod ng Dagupan at bayan ng Mangaldan na kapwa mayroong mga bagong halal na alkalde.
Samantala, binigyang diin naman ni Maranan na walang mula rito sa lalawigan ng Pangasinan ang nakasama sa listahan ng tinanggalan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ng supervisory powers sa PNP ang ilang alkalde sa bansa.