Patuloy ang pagtutol ng ilang mga grupo ng agrikultura dito sa ipinapatupad na Rice Tariffication Law ng pamahalaan.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Cathy Estavillo spokesperson ng Bantay Bigas sinabi nito na walang naidulot na maganda sa publiko lalong lalo na sa mga mahihirap na magsasaka ang umiiral na rice import liberalization.

Aniya, sa halip kasi na makatulong, ay panay mga negatibong impact ang naibigay nito sa taumbayan pati na sa food security agenda ng bansa.

--Ads--

Pahayag pa niya, nanatiling mataas ang presyo ng mga ibinibentang bigas sa pamilihan. Taliwas umano ito sa unang naging pahayag ng gobyerno na bababa sa P25.50 pesos per kilo ang presyo ng bigas, oras na maaprubahan ang Rice Tarrification bill.

Nakakadismaya aniya sapagkat dumaan na ang mga buwan ay wala pa rin silang nakikitang pagbabago dito.

Kaugnay nito, muling nanawagan ang Bantay Bigas sa pamahalaan na ibasura na ng tuluyan ang nasabing bill dahil hindi naman ito sagot sa supply ng bigas sa bansa lalo na’t wala rin anilang katiyakan kung mananatiling mababa ang presyo ng bigas sa world market.