Nagbabala ang grupong Bantay Bigas na posibleng malugi na at tuluyan ng mawala ang sektor ng agrikultura sa mga susunod na taon.
Kasunod na rin ito ng paglobo ng importasyon ng banyagang bigas, bagay na inihalintulad nila sa isang lapida na tanda raw ng naghihingalong industriya.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Cathy Estavillo spokesperson ng Bantay Bigas inihayag nito na ang pagbabago sa grains industry, kung saan pwede nang mag-import ang mga malalaking kumpanya ng bigas, ay delikado at nakakasama sa mga local farmers at traders.
Giit pa niya, bukod sa nagbabadyang krisis sa pagkain, walang humpay ang pagtaas ng presyo ng bigas, posible din umanong patayin ng Rice Tariffication Act ang kabuhayan ng mga lokal na magsasaka dito sa bansa.
Paliwanag ni Estavillo, dahil sa rice tariffication, magiging fully liberalized na ang rice trading sa bansa. Kahit sino o kahit anong kumpanya ang pwede nang mag-angkat basta may phytosanitary permit mula sa Bureau of Plant Industry at binayaran ang buwis.
Ang konsepto at ideyang ito ng administrasyong Duterte ay lubos aniyang nakakabahala sapagkat sa halip na kumita, ay lugi ang madalas na mararanasan ng mga mahihirap na magsasaka.
Dahil dito, hindi umano malayong itigil na lamang nila ang kanilang kabuhayan bagay na maaari namang ikamatay ng industriya ng agrikultura.