Napakahalaga ng pagsailalim ng bawat indibidwal sa human immunodeficiency virus (HIV) test.
Nabatid kay Nurse Beverly Bautista ng HIV-AIDS Corps Team ng Pilinas Unit sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan na ang HIV Test ang nag-iisang paraan para malaman kung ano ang status ng isang tao. Balewala kasi aniya ang mga sintomas na nararamdaman ng isang indibidwal kung hindi ito sasailalim sa naturang test sapagkat hindi matutukoy ng mga health authorities kung HIV nga ang sakit nito.
Ayon kay Bautista, kapag alam ng pasyente ang kanyang status at positibo sa HIV ay mas magiging maalaga na ito sa kanyang sarili.
Aniya, ang HIV testing ay isang voluntary test kung saan dumadaan muna sa counseling ang isang indibidwal bago isagawa ang pagsusuri sa dugo. Malalaman aniya ang resulta at status nito makalipas ang dalawang oras habang aabutin naman ng tatlong linggo ang kumpirmasyon kung reactive ang pasyente.
Samantala, tiniyak naman ni Bautista na mananatiling confidential ang resulta ng HIV testing kaya walang dapat ipangamba ang mga nais sumailalim dito.