Tiniyak ni Lingayen Mayor Leopoldo Bataoil na hindi magkakaroon ang kanilang munisipyo ng mga ‘pasaway’ na empleyado.

Kasunod na rin ito ng mga napapaulat na balita kung saan, madalas ay nasasangkot sa iba’t ibang kontrobersya ang mga kawani na nagtratrabaho sa mga munisipyo.

Ayon sa bagong halal na opisyal, hindi umano nito hahayaan na maghari- harian at maging pasaway ang kanyang mga empleyado. Sa halip, sisiguraduhin umano niyang mayroon silang disiplina at respeto sa kanilang kapwa pati na ang paghahatid na maayos na serbisyo sa kanilang mga kababayan.

--Ads--

Sa katunayan pa nga ayon kay Mayor Bataoil, simula ng maupo sa Lingayen, mahigpit na umano ang kanyang deriktiba sa lahat ng kawani ng munisipyo na dumalo sa flag raising ceremony na ginaganap tuwing Lunes ng umaga.

Nanawagan naman si Bataoil sa mga empleyado ng munisipyo na panatilihin ang propesyunalismo sa kanilang mga tungkulin at ipairal ang disiplina sa kanilang sarili sa lahat ng pagkakataon. with report from Bombo Edmund Abubo