DAGUPAN CITY– Nagbabala ang Department of Interior and Local Government sa mga barangay officials na nagpabaya na maloko ng investment schemes ang kanilang mga kabarangay.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño, sinabi nito na kakasuhan nila sa Office of the Ombudsman ang mga barangay officials na hindi agad naaaksyunan ang mga reklamo ng kanilang kabarangay na naloko ng investment scheme.

Aniya, nasa sampung investment companies ang kanilang iniimbestigahan ngayon dahil na rin sa isyu ng Kabus Padatuon (KAPA) Ministry International, Inc. sa Mindanao.

--Ads--

Kaya naman mahigpit ang paalala nito sa local government officials na tiyaking ang mga may-ari ng investment companies ay may awtorisasyon mula sa mga kaukulang ahensya, gaya ng Securities and Exchange Commission (SEC), Department of Trade and Industry (DTI), bago bigyan ng permit na makapag-operate.