Naniniwala ang isang kilalang sports analyst dito sa lalawigan ng Pangasinan na nag-iwan ng magandang laban sa larangan ng basketball ang katatapos lamang na NBA Finals.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Coach Angel Gumarang maituturing umano bilang ‘interesting championship’ ang naging kompetisyon ng Toronto Raptors at Golden State Warriors. Aniya, hindi lamang sa simula nadama ng mga ‘viewers’ ang ‘excitement’ kundi hanggang sa pagtatapos nito.

Pinuri naman nito ang tapang na ipinakita ng Warriors dahil kahit hindi umano nakapaglaro ang kanilang star player na si Kevin Durant ay ibinigay pa rin nila ng buo ang kanilang makakaya.

--Ads--

Ang ‘teamwork’ naman umano sa pagitan ng kanilang mga manlalaro ang naging susi upang makamit ng Raptors ang kanilang unang tropeo sa NBA Finals.

Samantala, itinuturing na ‘historic’ para sa mga mamamayan ng Canada ang naging resulta ng laro sa pagitan ng Golden State Warriors at Toronto Raptors.

Ayon kay Philip Dacanay, tubong Zamboanga ngunit kasalukuyang naninirahan sa nabanggit na lugar, marami umano ang natuwa at naging ‘proud’ sa ipinamalas ng Toronto. Nakatakda naman aniyang dalhin ang kanilang napanalunang ‘trophy’ sa bulwarte ng Raptors at aabangan na lamang kung magkakaroon ang mga ito ng selebrasyon.

Tila nanalo naman sa ‘lotto’ kung ituring ng ilang mga Ofw sa ibang bahagi ng Canada ng malamang ang Toronto Raptos ang nagkampeon sa NBA Finals ngayon taon.

Ayon kay Eric Zaratan OFW sa Canada, makikita umano ang ngiti at tuwa sa mukha ng mga residente doon . Kagaya din sa Pilipinas, madami din aniya ang nagkaroon ng ‘pustahan’ at karamihan naman sa mga ito ay nanalo.