DAGUPAN CITY– Paghihiganti ang nakikitang motibo ng Lingayen PNP sa insidente ng pamamaril ng mga suspek sa isang truck driver na ikinasawi nito at ikinasugat naman ng isa pang biktima sa sa Brgy. Malawa sa bayan ng Lingayen Pangasinan.

Ayon kay PLTCOL. Gaston Cafongtan, OIC Chief of Police ng Lingayen PNP, sa kanilang isinagawang imbestigasyon ay nagtamo ang biktimang si Joven Garbo ng hindi bababa sa anim na tama ng bala ng kalibre kwarentay singkong baril sa kaniyang katawan na sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Samantala, naaresto na ang pitong suspek na responsable sa insidente na napag alamang nasa impluwensya ng alak ng mangyari ang pamamaril at nasampahan na ang mga ito ng kasong Murder, Frustrated Murder at Obstruction of Justice habang ang isa naman nilang kasamahang menor de edad ay nasa kustodiya na ng DSWD.

--Ads--

Matatandaan na bago maganap ang pamamaril sa biktima ay sinita nito ang mga suspek matapos paharurutin ng mga ito ang kanilang motorsiklo sa harapan ng kaniyang kubo na nagdulot ng ingay na ikinagalit naman agad ng mga suspek at pinagsimulan ng mainit na argumento sa pagitan ng biktima at ng mga suspek na humantong sa pamamaril.