Hindi hadlang ang edad at estado sa buhay upang matamo ang edukasyon.

Ito ngayon ang pinatunayan ng isang 75 anyos na lolo na nakilala bilang si Benjamin Naoe tubong San Jacinto, Pangasinan.

Nakapanayam mismo ng Bombo Radyo Dagupan ang nasabing lolo matapos itong magtungo sa isang kilalang unibersidad dito sa syudad, upang magpa-enroll, hindi para sa kanyang anak o apo, kundi para sa kanyang sarili.

--Ads--

Bagama’t may edad na, inihayag ni Naoe na gusto pa rin niyang mag aral lalo na’t marami pa siyang nais na matutunan habang nabubuhay pa. Buo din aniya ang kanyang determinasyong maabot ang ilan pa sa kanyang mga pangarap na matagal din niyang isinantabi alang-alang sa pamilya.

Nabatid na may anim na anak ang 75 anyos na lolo at apat umano sa mga ito ay masayang nakapagtapos ng kolehiyo. Ipinagmalaki pa nito ang kani-kanilang mga narating kung saan ayon sa kanya, matagumpay umano siyang nakapagpa ‘graduate’ ng isang civil engineer, dentista, architecture at business management.

Labis naman ang pasasalamat ni Naoe sa Poong Maykapal dahil kahit may katandaan na, ay malakas pa rin umano ang kanyang pangangatawan.

Umaasa naman ang nasabing lolo na mairaraos nito ang apat na taong pag aaral sa kursong Political Science na kanyang kinuha sa isang kilalang unibersidad dito sa syudad ng Dagupan.with report from Bombo Cheryl Ann Cabrera