Umaasa ngayon ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na mas paiigtingin pa ng pamahalaan ang mga programang inilaan para sa mga lokal na magsasaka.
Sa naging panayam kay Rosendo So, chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sinabi nito na mahalagang mabigyan din ng pansin ang mga mahihirap na magsasaka. Aniya, dapat na pinagtutuunan ng pansin ng gobyerno ang pagpapalawig ng sektor ng agrikultura, nang sa gayon ay matulungan ang mga lokal na magsasaka na maiangat ang kanilang kabuhayan.
Kinakailangan din umano, ayon kay So na mabigyan ang mga ito ng libreng pagsasanay tulad na lamang ng workshops at training mula sa TESDA na naglalayong mahasa pa ang kanilang kakayahan at makasabay sa competency certification system.
Samantala, bukod sa mga programa at benepisyo, nanindigan si So na dapat na ring pasiglahin ang sektor ng pagsasaka dito sa bansa.