Malaki ang paniniwala ni Magdalo Representative Gary Alejano na posibleng manalo bilang House Speaker ang kandidatong may ‘basbas’ ng palasyo.

Ito mismo ang inihayag sa Bombo Radyo Dagupan ng naturang opisyal.

Ayon kay Alejano, mahirap pa umano sa ngayon na tukuyin kung sino ang nakakalamang sa puntos upang maging susunod na House Speaker. Kahit aniya siya ay walang ideya kung sino ang susunod na uupo sa naturang ‘trono’.

--Ads--

Ngunit ang malinaw umano kay Alejano, malaki ang tyansang manalo ng kandidato na may ‘basbas’ ng palasyo.

Matatandaan na naging kontrobersyal ang House Speakership bid sa Kamara de Representantes matapos ibunyag ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez na may “gapangan” ng P1 milyon para sa bawat kongresista kapalit ng suporta sa isang kandidato sa pagka-speaker.

Lumutang din ang pangalan ni Congressman Paolo Duterte sa mga posibleng maging House Speaker dahil umano sa payo ng ilang pulitiko, subalit tutol dito ang Presidente. Ilan naman sa mga posible pang kumandidato ay sina Congressmen Allan Pater Cayetano, Marinduque Representative Lord Allan Velasco, Congressmen Pantaleon Alvarez at Leyte Representative-elect Martin Romualdez.