Pinabulaanan ni Police Regional Office 1 Information Officer P/Lt. Col. Mary Crystal B. Peralta ang mga balita na magkakaroon ng balasahan at pagpapalit ng mga hepe ng PNP sa ilang Municipal Police Station dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Ito’y matapos ang magkasunod na pagpapalit ng hepe ng pulisya dito sa lungsod ng Dagupan at ang pagkakaroon din ng bagong Acting Provincial Director ng PNP Pangasinan.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Peralta, sinabi nito na sa ngayon, wala pang pagbabago at mananatili pa ring mga Hepe ng mga PNP station mula sa iba’t ibang bayan ang mga Chief of Police sa kanilang mga istasyon.
Dagdag pa kay Peralta, wala pa umano silang natatanggap na impormasyon mula sa kanilang Regional Director na nagsasabing may magkakaroon ng tuloy tuloy na balasahan sa mga hepe ng pulisya.
Giit pa nito, may mga requirements pa na hinihingi upang mailuklok na chief of police ng isang presinto. Isa na umano dito ang pagpapatunay ng kanilang kakayahan at kung sila ba ay karapat-dapat sa posisyon.
Matatandaan na Lunes, Mayo 27 nang ipasa ni outgoing Chief of Police Lt. Col. John Dale Sulit ang responsibilidad kay Lt. Col. Percival Pineda bilang Officer-in-Charge Chief of Police Dagupan City Pnp. Ibinigay na rin ni outgoing Provincial Director Col. Wilson Lopez ang responsibilidad bilang bagong hepe ng Pangasinan PNP kay Col. Redrico Maranan sa ginanap turn over of command ceremony araw ng Martes, Mayo 28. //with report from Bombo Badz Agtalao