Ilang mga ari arian ang nasira matapos pasabugan ng mga di pa kilalang suspek ang bahay ng isang punong barangay sa bayan ng San Fabian, Pangasinan.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Police Major Melecio Mina hepe ng San Fabian Pnp, nagulat umano ang buong pamilya ni Brgy Captain Virgilio Garcia ng Brgy Arman sa nabanggit na bayan matapos na makarinig ng malakas na putok sa harap ng kanilang tahanan, pasado alas dose ng hating gabi kahapon.

Base sa salaysay ng ilang kasapi ng pamilya ni Kapitan Garcia, bago umano mangyari ang pagsabog, isang motorsiklo ang narinig nilang tumigil sa harapan ng kanilang bahay na sinundan na aniya ng malakas na pasabog. Hindi naman na umano nila nagawang lumabas pa upang tignan ang pangyayari dahil na rin sa sobrang takot.

--Ads--

Dahil naman sa tindi at lakas ng pasabog, nawasak umano ang harapang bahagi ng bahay ni kapitan Garcia at nabasag din ang mga bintana ng dalawa nitong sasakyan partikular na ang isang van at isang kotse. Maswerte namang walang nasaktan sa insidente

Samantala, kasalukuyan pang kinokompirma ng mga otoridad kung anong klase ng granada o pampasabog ang ginamit ng mga di pa tukoy na suspek.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagsasagawa ng malalimang imbistigasyon ang mga otoridad lalo na’t nakatanggap umano ng pagbabanta sa buhay o ‘death threat’ si Punong Brgy Garcia, ilang linggo bago mangyari ang insidente. with report from Bombo Mariane Esmeralda