Dead on arrival sa pagamutan ang isang crew ng fastfood chain matapos mabangga ang minamaneho nitong motorsiklo sa isang truck na mayroong karga na lumber sa Provincial Road ng Brgy. Papagueyan, sa bayan ng Binmaley Pangasinan.

Nakilala ang biktima na si John Valdez, 29 anyos, na residente ng Brgy Paitan, sa lungsod ng San Carlos.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga kapulisan bago mangyari ang insidente ay tinatahak ng biktima ang naturang kalsada, kung saan nasa harapan nito ang isang truck na minamaneho naman ng nakilalang si Reynaldo Morales, 38 anyos .

--Ads--

Sa kalagitnaan ng pagmamaneho ng biktimang si Valdez ay bigla itong nabangga sa truck na nasa harapan nito na walang ilaw sa likuran bilang warning device na siyang nagresulta upang bumangga ang biktima at tumusok pa sa kaniyang dibdib ang lumber na laman ng naturang truck.

Agad namangrumesponde ang MDRRMO Binmaley upang isugod ang biktima sa pagamutan ngunit kalaunan ay idineklara din itong dead on arrival.

Samantala ang driver naman ng truck ay nasa custodial facility na sa ngayon ng Binmaley Police Station at posibleng maharap sa kaukulang kaso.