Hindi katanggap-tanggap ang paliwanag ng Commission on Elections (COMELEC) hinggil sa mga naging aberya na naitala na may kaugnayan sa nakalipas na 2019 midterm elections.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano, na isa sa mga kandidato ng Otso Diretso sa nagdaang halalan, hindi katanggap-tanggap ang sinasabi ng COMELEC na nagkaroon problema sa mga Vote Counting Machines (VCMs) dahil sa dami ng mga impormasyong natanggap nito dahilan upang magkaroon ng pitong oras na information traffic sa pagsisimula ng bilangan ng boto.

Paliwanag ni Alejano, dinesenyo ang mga makinang ito upang tumanggap talaga ng maraming impormasyon kayat kuwestyunable ang kanilang sagot.

--Ads--

Sa ngayon aniya ay nakatakdang imbestigahan ng Senado ang isyung ito at ang iba pang mga aberya na naitala.

Samantala, bagamat natalo aniya sila, nagpasalamat naman si Alejano sa lahat ng sumuporta sa kanilang kandidatura.

Tiniyak naman nito na kahit bigo siyang makakuha ng puwesto sa gobierno ay magpapatuloy ang kaniyang pagbabantay para sa kapakanan ng taumbayan.

Bagamat, nakakalungkot lamang aniya na tila maging sa Senado ngayon ay mawawala narin ang check and balance katulad ng nangyari sa mababang kapulungan ng Kongreso na nagsilbi ng rubber stamp ng Administrasyon.