Taos pusong nagpasalamat sa publiko ang bagong halal na senator na si Sen. Cynthia Villar.
Ito’y matapos siyang maiproklama ng Commission on Elections (Comelec) bilang isang nanalong senador sa nagdaang May 13 midterm elections.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Villar, nagpasalamat ito sa tiwalang ipinagkaloob sa kanya ng sambayanang Pilipino. Aniya, gagawin niya ang lahat upang makapagsilbi ng maayos para sa publiko.
Nagpahayag naman si Villar ng kagustuhang pamunuan muli ang Committe on Agriculture and food upang kanya umanong maipagpatuloy ang mga una ng naisulong na programa para sa mga magsasaka at mangingisda.
Nakuha ni Sen Villar ang unang ranko sa pagka senador kung saan mayroon itong nasa mahigit 25 milyong bilang ng boto. Siya rin ang nasa likod ng kontrobersyal na ideyang pagbawal ng unlimited rice promos ng mga restaurants bagay na binatikos naman ng mga netizens.
Samantala, ang problemang kinakaharap ng bansa ang tututukan umano ng isa pang nanalong senador at tinaguriang ‘anak ng amianan’ na si Sen Koko Pimentel.
Ayon kay Pimentel, dapat na masolusyunan na ang mga suliraning kinakaharap ng lipunan upang mabawasan na ang bilang ng mga mahihirap na Pilipino. Aniya, ito ang kanyang pagtutuunan ng atensyon bilang isang bagong halal na senador.
Kabilang sa mga problemang tinukoy ni Pimentel ay ang problema sa lipunan, edukasyon, serbisyong pangkalusugan, kriminalidad, at iba pa.
Si Pimentel ay nasa ika-sampong pwesto sa listahan ng ‘winning senators’ kung saan nakakuha siya ng 14,668,665 bilang ng boto.