Magpahanggang ngayon ay hirap pa ring tanggapin ng mga kaanak ni Atty. Val Crisostomo na pinaslang sa harapan ng justice hall dito sa lungsod ng Dagupan ang sinapit nito.

Kuwento ng kanyang ina, mabait at may mabuting kalooban ang abogado kaya masakit sa kanila ang pagkawala ng panganay nitong anak.

Matatandaang dakong alas-9:15 noong Biyernes ng umaga nang pagbabarilin ng nag-iisang gunman ang biktima matapos dumalo sa hearing sa kaso na kanyang hinahawakan.

--Ads--

Walong basyo ng bala at dalawang tingga mula sa kalibre 45 na baril ang natagpuan sa crime scene.

Hindi isinasantabi ng pulisya na posibleng may kinalaman sa trabaho ng biktima ang motibo ng pamamaril.

Gayunman, lahat ng anggulo ay tinitignan ng binuong task force para sa ikakaresolba ng kaso.