Wala pang natatanggap na pormal na reklamo ang Police Regional Office-1 laban sa kanilang mga pulis na nauugnay sa pamumulitika o electioneering.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Lt. Col. Mary Crystal Peralta, tagapagsalita ng Police Regional Office-1, sinabi nito bilang tagapagpatupad ng batas ay mandato nilang manatiling neutral o walang kinikilingan lalo na pagdating sa usapin ng pulitika.

Giit ng opisyal na laging ipinapaalala sa kanila ng bagong Regional Director ng PNP Region 1 sa katauhan ni P/Brig. Gen. Joel Ordunia na kailangan nasa gitna lamang sila at walang pinapanigan bilang isang alagad ng batas.

--Ads--

Una nang inihayag ng National Police Commission o NAPOLCOM na wala silang natatanggap na reklamo hinggil sa electioneering ng mga pulis dito sa rehiyon uno katulad ng pagbibigay ng escort sa mga pulitikong nangangampanya.