Blangko parin ang Dagupan City Police Station sa motibo at pagkakakilanlan ng mga suspek sa pamamaril sa isang tricycle driver dito sa lungsod bandang ala-1:55 ng hapon kahapon.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan kay Police Lt/Col Jandale Sulit, Chief of Police ng Dagupan City PNP, inihayag nito na sa inisyal nilang imbestigasyon, nagtamo ng tatlong tama ng bala ng baril sa katawan at isa sa ulo ang biktima na kinilalang si Rod Mangaoang, 38 anyos, na residente ng bayan ng San Fabian, dahilan upang agad itong masawi.
Lumalabas na inarkila ang biktima upang magsundo sa Bonuan Boquig kaya napadpad ito sa lungsod. Sa ngayon ayon kay Sulit, ang mga posibleng maging ebidensya sa krimen ay nakolekta na at nasa kamay na ng Scene of the Crime Operatives (SOCO).
Habang may mga nakausap narin sila na nakasaksi sa insidente at ang mga sakay nito na masuwerteng hindi nadamay sa pamamaril sa biktima ay ipinatatawag na ngayon ng PNP upang makakalap ng karagdagang impormasyon na posibleng makapagbigay linaw sa krimen.
Dagdag pa ni Sulit, nakasakay sa isang motorsiklo ang dalawang suspek na agad na tumakas matapos na pagbabarilin ang biktima kayat tinitignan na ang kuha ng mga Closed Circuit Television (CCTV) sa dinaanan ng mga ito upang makatulong sa kanilang imbestigasyon.