Nakitaan ng mga iregularidad ang ilang mga paaralan dito sa lungsod ng Dagupan na gagamiting mga polling centers para sa nalalapit na May 2019 midterm Election.
Sa ginawang inspeksyon ng Bureau of Fire Protection o BFP Dagupan, tumambad sa kanila ang sala-salabat na kable ng mga kuryente pati na ang mga hindi maayos na circuit breaker na posibleng magdulot ng power shutdown.
Binigyan naman ng mga kawani ng BFP ng ‘notice to comply’ at ‘notice to correct violation’ ang mga pamunuan ng naturang eskwelahan kung saan bago pa man sumapit ang halalan, ay dapat ng naiayos ang mga ito.
Ayon naman sa mga otoridad, importante na matiyak na ligtas ang mga gagamiting polling precincts sa eleksyon upang maiwasan ang anumang sakuna at aberya.
Samantala, target naman ng BFP Dagupan na matapos ang isinasagawang inspeksyon sa mga pampublikong paaralan sa huling araw ng Abril.