Patay ang isang construction worker matapos itong aksidenteng makuryente sa isang live wire sa bayan ng Mangatarem, Pangasinan.
Kinilala ang biktima na si Robert Castaneda, residente ng brgy Calvo sa nabanggit na bayan.
Lumalabas sa imbistigasyon ng mga otoridad na inaayos ng ilang mga kalalakihan kasama na ni Castaneda ang isang nasirang waiting shed sa kanilang lugar. Ilalagay na sana umano ng mga ito ang bubong ng naturang waiting shed ng bigla na lamang nasagi ng bakal na dala ni Castaneda ang isang live wire dahilan upang siya’y makuryente at bumagsak mula sa mataas na kinalalagyan.
Agad naman itong nadala sa pinakamalapit na ospital ngunit idineklara ding dead on arrival.
Sa panig naman ng CENPELCO, hindi umano naipagbigay sa kanilang tanggapan na may inaayos na proyekto sa naturang lugar kung kaya’t hindi umano nakapagpatupad ang mga ito ng scheduled power interruption.
Samantala, patuloy namang iniimbistigahan ng mga otoridad ang nabanggit na insidente.