Nanawagan ang Office of the Civil Defense o OCD Region 1 sa publiko na iwasang magpakalat ng mga huwad na impormasyon kaugnay sa lindol na maaring magdulot ng panic sa mga mamamayan.
Kasunod ito ng kumalat na mga text messages kaugnay ng mensahe umano ng OCD pati na ng NDRRMC sa publiko sa mararanasan o paparating na magnitude 8.0 na lindol sa bansa.
Nilinaw mismo sa Bombo Radyo Dagupan ni OCD Region I spokesperson Mike Sabado hindi nagmula sa kanilang tanggapan ang nasabing mensahe at wala din silang ini-anunsyo patungkol dito. Wala ring umanong sapat na basehan para maglabas ng babala ang OCD Region I hinggil sa nakaambang na malakas na lindol.
Kaugnay nito, hinikayat na lamang ni Sabado ang publiko, lalo na ang mga nakatanggap ng maling mensahe, na iwasan na itong ipakalat sa pamamagitan ng text at internet lalo na’t pwedi aniya itong magdulot ng panic at pangamba sa sinumang makakabasa.
Matatandaan na niyanig ng magnitude 6.1 ang probinsiya ng Pampanga kung saan hindi bababa sa 15 ang bilang ng mga nasawi habang magnitude 6.5 lindol naman ang naranasan sa Eastern Samar na ikinasira ng ilang mga establisyemento. /Int of Bombo Framy Sabado//Zona Libre Program