Nagbabala sa publiko ang Department of Health (DOH) laban sa mga nakamamatay na sakit na maaaring makuha ng mga debotong Katoliko na nagpepenetensya sa pamamagitan ng pananakit ng sarili sa gitna ng obserbasyon ng Semana Santa ngayong Linggo.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni DOH Sec. Francisco Duque III, posibleng maging sanhi ng napakaraming sakit na posibleng humantong sa kamatayan ang ilang mga nakagawian ng uri ng penetensya kung saan sinasaktan ang sarili sa pamamagitan ng paghahampas sa kanilang likuran o pagpapapako sa cruz.

Paliwanag pa ng Kalihim ng Kagawaran ng Kalusugan, posibleng dahil dito ay makakuha ng sakit na tetanus, impeksyon sa balat o buto at marami pang iba.

--Ads--

Bukod aniya dito ay mataas din ang banta ng sakit na heat stroke posibleng makamatay lalo na sa mga malalantad sa sikat ng araw katulad sa mga magsasagawa ng alay lakad.

Kasunod nito ay pinayuhan ni Sec. Duque, ang publiko na dapat maging hydrated sa pamamagitan ng paginum ng maraming tubig at sumunod sa iba pang mga payong ipinalalabas ng kanilang ahensya upang makaiwas sa mga sakit ngayong labis ang init na panahon na nararanasan.