Pinaghahanap pa rin ng mga kapulisan ang isang amain na nagmaltrato sa apat na taong gulang na batang lalaki na nagresulta sa kanyang kamatayan sa bayan ng Bugallon Pangasinan.

Una rito, pinapatulog ng suspek na si Jessie Garbo ang biktima na si Erwin Piad ngunit hindi sumunod ang bata na naging sanhi para paluin ito ng walis tambo sa ulo at tadyakan dahil sa matinding galit.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay P/Maj. Jake Isidro, hepe ng Bugallon Police Station, base sa kanilang imbestigasyon, inaawat ng ina ng biktima na si Angela San Andres ang kanyang live-in partner subalit hindi niya ito nagawang pigilan.

--Ads--

Nang makita umano ng suspek ang biktima na hindi na gumagalaw at humihinga, agad nila itong isinugod sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival ng kanyang attending physician.

Aniya, matapos malaman na namatay ang biktima ay hindi na umuwi ang suspek sa kanilang tahanan at nagtatago na ngayon para hindi mahuli ng pulisya.