Nakahanda na ang Manaoag PNP sa pagdagsa ng mga deboto sa Minor Basilica of Our Lady of Manaoag para sa paggunita ng Palm Sunday bukas o Linggo ng Palaspas.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay P/Capt. Manuel Garcia, Deputy Chief of Police ng Manaoag Police Station, sinabi nito na nakalatag na ang kanilang security preparation bukas dahil katulad ng mga nakalipas na taon ay inaasahan nila ang malaking bilang ng mga deboto na magtutungo sa kanilang bayan.
Katuwang aniya nila ang militar at mga security guards sa pagbibigay ng seguridad sa loob at labas ng Simbahan.
Ayon kay Garcia, magpapatupad din sila ng rerouting upang maiwasan ang mabigat na daloy ng trapiko.
Inamin din nito na kulang sila sa personnel kaya nagrequest na ang kanilang hanay ng dagdag na pwersa para sa pagbabantay sa mga deboto na magpupunta sa Minor Basilica of Our Lady of Manaoag maging sa pagmamando ng trapiko.
Pinaalalahanan naman nito ang mga deboto na nagnanais magtungo sa Minor Basilica of Our Lady of Manaoag na maging vigilante at mag-ingat sa mga masasamang loob katulad ng mga mandurukot. with reports from Bombo Cherryl Cabrera