Nanawagan ngayon ang City Disaster Risk Reduction Management Office o CDRRMO Dagupan sa lahat ng mga baratilyo, food strips at mga stall owners partikular na ang mga nakapwesto sa may Downtown Area ng lungsod na maging responsable at disiplinado sa pagtatapon ng kanilang basura.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Deputy Officer Bernard Cabison sinabi nito na kung magiging maayos ang pagtatapon ng basura ng mga maliliit na negosyante ay maiiwasan din umano ang pagkakaroon ng problema at magiging pabor din ito sa kanila.
Aniya, malaking tulong din ito upang hindi na mahirapan pa ang mga garbage truck na hahakot at kukuha nito sa araw araw. Nanawagan din ito sa mga stall owners na kung maaari ay magkaroon ang mga ito ng kanya-kanyang trash bag ng pagsisilidan ng basura.
Ayon pa kay Cabison, malaking tulong din ang naturang hakbang upang malinis ang bawat harap ng mga establisimiyento na hinahangad naman ng lahat at paraan din umano ito upang maiwasan ang anumang paglaganap ng iba’t ibang sakit dulot ng mga tambak ng basura.
Gayunpaman nagbabala ang opisyal na hindi umano nila palalagpasin ang sinumang lalabag at hindi susunod sa kanilang ipinapatupad na batas. with report from Bombo Mariane Esmeralda