Nasawi ang tatlong drug suspek sa isinagawang magkakahiwalay na buy bust operation ng pulisya sa Nueva Ecija kaninang madaling araw.

Kinilala ang isa sa mga suspek na si Dominador Dionaldo ng Brgy. Malasin, San Jose City na mas kilala sa alyas na ‘Buboy’ na umano’y notoryus na drug pusher sa lugar.

Nakahalata umano si Dionaldo na pulis ang kanyang nakatransaksyon dahilan para magpaputok ito ng baril.

--Ads--

Agad na gumanti ng putok ang mga pulis na agad ikinasawi ng suspek.

Nagsagawa rin ng buy bust operation ang San Jose Del Monte Police laban sa suspek na si Michael Lasala sa Brgy. Gayagaya alas-12:15 ng madaling araw.

Nagpositibo ang buy bust laban sa suspek ngunit bago pa man makalapit ang back up police ay nakahalata na ito na mga awtoridad ang kanyang katransakyon.

Nagpaputok si Lasala dahilan para gumanti ng putok ang mga pulis na agad niyang ikinasawi.

Ala-1:15 naman ng madaling araw nang isagawa ang buy bust operation laban sa isang Allan Nuela sa Brgy. Longos, Calumpit, Bulacan.

Nakabili ang poseur buyer ng P500 halaga ng shabu mula suspek gayunman ay bigla itong nakahalata na pulis ang kanyang mga katransakyon.

Agad tumakbo si Nuela habang pinapuputukan ang mga pulis dahilan para gumanti rin ng putok ang mga awtoridad at mauwi sa engkwentro na kanyang ikinasawi.