Patuloy pa rin ang isinasagawang imbistigasyon ng mga otoridad kaugnay sa pagkamatay ng isang padre de pamilya na walang awang pinagsasaksak ng dalawang kalalakihan sa bayan ng Agno, Pangasinan.

Nakilala ang biktima na si Robert Micus 50 anyos at residente sa nabanggit na bayan.

Sa unang imbistigasyon ng pulisya, lumalabas na ang biktima ay nasangkot sa isang vehicular accident kung kaya’t nagtamo umano ito ng sugat at bukol sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan. Base na rin ito sa naging pahayag ng kanyang anak na kinilala bilang si Claire Micus.

--Ads--

Ngunit makalipas ang ilang araw, lumantad ang isang witness na si Louie Nilo na siya mismong nagsalaysay ng buong pangyayari. Ayon kay Nilo, nakita nito ang ginawang pambugbog ng dalawang kalalakihan sa padre de pamilya na biktima. Pagsasalaysay pa nito, naroon din ang mismong anak ni Micus na diumao’y pinapanood lang at hinahayaang bugbugin ang kanyang ama. Taliwas umano ito sa naging pahayag niya sa unang imbistigasyon ng pulisya na ang kanyang ama ay nasangkot lamang sa disgrasya.

Sa ekslibong panayam naman ng Bombo Radyo Dagupan kay Police Captain Gilbert Villamor, OIC ng Agno Pnp sinabi nito na kung hindi dahil sa lumitaw na witness ay hindi umano malalaman ng pamilya ng biktima ang katotohanan at tunay nitong sinapit.

Blanko din ang pulisya sa motibo ng krimen.

Samantala, itinuturing naman ng mga otoridad ang anak ng biktima pati na ang dalawang kalalakihang nambugbog bilang mga ‘persons of interest’.

Nilinaw naman ng opisyal na hindi pa nila maaaring kasuhan ang mga nabanggit na suspek dahil nagpapatuloy pa rin umano hanggang sa ngayon ang kanilang ginagawang imbistigasyon hinggil sa nasabing insidente. with reports from Bombo Mariane Esmeralda