Naningan si National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. na hindi nagkulang ang pamahalaan na ipaalala sa China ang karapatan din ng bansa pagdating sa usapin ng West Philippine Sea.

Kasunod na rin ito ng naging panawagan ni senatorial candidate Neri Colmenares sa administrasyong Duterte na magprotesta laban sa “aggressive moves” ng China matapos na mai-ulat na dumami ang mga Chinese vessel sa katubigan malapit sa pinakamalaking isla at ang patuloy umanong pang-ha-harass sa mga Pilipino.

Ayon kay Esperon, ginagawa ng pamahalaan ang lahat upang maiparating sa China na may karapatan din ang Pilipinas sa naturang karagatan.

--Ads--

Taliwas umano ito sa paulit-ulit na ibinabatong pahayag ng mga kritiko na nanahimik lamang ang kasalukuyang administrasyon.

Samantala, naglabas naman ng kautusan ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng pansamantalang pagbabawal sa mga mangingisda na maglayag sa Panatag Shoal.

Ayon sa BFAR ito ay upang maiwasan ang pagtindi ng tensiyon sa pagitan ng Pilipinas at China.

Ayon sa naturang tanggapan, kailangang iwasan muna ng mga Pinoy fishermen ang paglalayag doon para maiwasan ang hindi pagkakaunawaan ng magkabilang panig.