Sinang-ayunan mismo ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. ang naging pahayag ni Pangulong Rodirgo Duterte na lumalala ang problema ng iligal na droga sa bansa.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Esperon sinabi nito na naniniwala siya sa binitawang pahayag ng punong ehekutibo lalo na’t ito umano ang kanyang naging ‘Initial assessment’. Aniya, tila hindi nahihinto ang pagpasok ng iligal na droga lalo na ang mga malalaking shipment ng shabu na nasasabat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Gawin na lamang aniyang halimbawa ang halos P900-Milyong halaga ng ‘floating cocaine’ at P1.8-Bilyong halaga ng shabu na narekober naman sa Manila International Container Port.

--Ads--

Sa kabila naman nito, inihayag ni Esperon na titiyakin ng pamahalaan na pananagutin ang sinumang mahuhuling nagpupuslit ng ilegal na droga sa bansa.

Kung matatandaan, una ng nagbabala ang Pangulo sa mga drug syndicate na huwag nang magtangkang pumasok sa ilegal na gawain dahil tiyak na papatayin niya ang mga ito.